Wednesday, February 16, 2011

Isang Pag-alala...


Bakit nga ba me mga taong dumarating sa ating buhay na sa pagdating ng takdang panahon sila din ay lilisan? Hindi ba maaring sila ay manatili sa ating piling upang tayo ay di mangulila sa kanila?

Walong taon na rin ang nakakaraan ng pumanaw ang aking biyenan. Ang inang umaruga at gumabay sa amin at sa aking mga anak. Tandang tanda ko pa ang masasayang ala ala ng s'ya ay kapiling pa namin. Malugud n'ya kaming sinamahan ng aking asawa sa pagpapalaki sa aming apat na anak. Hindi lang s'ya isang mabuting ina, isa rin s'yang lolang mapagmahal sa kanyang mga apo.

Hindi ko makakalimutan ang pag aasikaso at pagmamahal na nadama ko sa loob ng labing pitong taon naming pagsasama. Nananatili pa sa aking isipan ang mga pagkakataong ako ay kanyang ipagluto ng pagkaing gustong gusto ko at ibili ng mga prutas na aking paborito. Mga paraang naramdaman ko sa aking puso na mahalaga ako sa kanya at ako ay mahal n'ya. Nakaka miss ang mga bagay na ito kung kaya't ako ay lubhang nalulungkot sa aking pag alala sa kanya.

Sa aking pagbabalik ala ala, buhay pa sa aking isipan ang mga pagkakataong s'ya ay napapasaya ko sa pamamagitan ng pagbibigay ng pagkain, damit, kung ano ano pang alam kong kanyang ikakatuwa. Natatandaan ko pa na bakas sa kanyang mukha ang kaligayahan sa tuwing s'ya ay bibigyan mo ng regalo sa kanyang kaarawan at aginaldo sa araw ng pasko. Ilang kaarawan na rin at ilang pasko na, na wala na akong binibigyan at ito ay isang nakaugalian ko na, na aking hinahanap hanap. Nakakalungkot isipin na wala na ang taong ito at di na namin s'ya kailanman makakapiling.

Sadya nga po sigurong mahirap makalimutan ang mga araw ng s'ya ay aming nakapiling. Yung mga panahong s'ya ay nagkasakit at naging paralitiko ng dalawang taon, na kung saan amin s'yang inalagaan hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay. Mga panahong nagibigay ng pagsubok sa aming pamilya at nagbigay ng hamon sa aming kakayahan upang ibigay ang attention at pag aarugang kanyang kinakailangan. Mga ala alang kung saan kami ay nabigyan ng pagkakataon na ipadama ang aming pagmamahal at pagkalinga.

Sa buhay, ang mga taong nagpahalaga at nagmahal sa iyo ay tunay ngang mahirap makalimutan. Mga taong naging bahagi na ng buhay mo. Wala na nga s'ya...wala na kaming tatawaging "Ima" ngunit ang kanyang alala ay mananatili sa aming mga puso habang kami ay nabubuhay sa mundo.

Sa pagkakataong ito muli kong ginugunita ang lahat ng mga ala-alang kanyang iniwan. Maaring s'ya ay wala na sa aming piling, pero ang mga pagkakataong amin s'yang nakasama ay mananatiling buhay sa aming mga puso at isipan. Sadyang ako ay pinapagpala dahil minsan s'ya ay aking nakasama at nakapiling. Maaaring nasa kabilang buhay man s'ya ngayon, ngunit sa aming kanyang iniwan, mananatiling buhay ang kanyang mga alaala.

Sa kanyang Araw ng Kamatayan, amin s'yang inaalala sa pamamagitan ng pag-aalay ng dasal sa ating Poong Maykapal. Amin ding inaalay ang taos puso naming pasasalamat sa lahat lahat ng biyayang aming tinatamasa ngayon. Nang dahil sa kanya naging maganda at naging makahulugan ang aming paglalakbay sa buhay. Maraming Salamat "Ima" sa magandang kinabukasang iyong pinamana. Maraming salamat sa pagmamahal na aming nadama...!

We LOVE you po and we MISS you. Sana patuloy mo kaming gabayan kahit nasaan ka man ngayon.

HAPPY DEATH ANNIVERSARY,"IMA"!

No comments: