Iyak ng sanggol ang aking huling narinig bago ako makatulog na me ngiti sa aking mga labi. Alam kong sa pagpikit ng aking mga mata ako ay isa ng ganap na babae at isa ng ina.
Ang magdalantao ay isang karanasang di ko malilimutan sa aking buhay. Hindi nga biro ang kanlungin mo sa iyong sinapupunan sa loob ng siyam na buwan ang isang sanggol. Sa aking karanasan, iba iba ang aking naramdaman, nandoon na ako ay sumakit ang ulo, sumakit ng tyan, nilalamig, naiinitan, di makatulog, ayaw ng ibat ibang amoy, madalas mahilo at magsuka at me mga karamdamang sadyang mahirap ipaliwanag. Akala ko noong una ang lahat ng ito ay mga kasabihan lang, na umaarte lang ang mga buntis, ngunit napagtanto ko na me katotohan pala sa ibang babae ang mga karamdamang ito, at isa nga ako sa nakaranas ng mga ito.
Sabi nila, kapag ang babae ay nasa kabuwanan na, ang isang paa daw nito ay nasa hukay dahil mahirap daw ang manganak. Sadyang ito ay mapanganib dahil di mo tiyak kung paano ka makakaraos sa pagluwal ng sanggol na nasa iyong sinapupunan. Mahirap ngang ipaliwanag ang pakiramdam ng isang babaeng naghihintay nalang ng araw ng pagluwal n'ya sa kanyang anak, dahil pagkainip, pangamba, takot, pagkasabik at galak ang kanyang mararamdaman, at higit sa lahat, walang katiyakan kung ano ang maaaring nitong sasapitin. Sa aking pagdadalantao, sa pagdarasal ako kumapit noong malapit na ang aking kabuwanan...walang humpay na dasal sa Poong Maykapal na sana ako ay makaraos ng maluwalhati.
Sa aking karanasan, ako ay nagkaroon ng kaisipan at kaalaman na ang kabuluhan at ang kahulugan ng isang pagiging ganap na babae ay natutupad sa pagbubuntis nito at sa pagsilang ng isang munting anghel mula sa kanyang sinapupunan. Ang kaganapang ito ay maituturing na isang pagpapala dahil hindi naman lahat ay nabibiyayaan ng isang supling sa kanyang sinapupunan. Hindi nga bat me mga ilang kababaihan na nais na magkaanak ngunit sila ay hindi maaaring magdalantao? Ilan na ba ang nangarap at nagdasal upang sila at mabiyayaan ng isang supling? Ngunit hindi nga lahat ay me kakayahan...hindi lahat ay pinagpala na magkaroon ng isang anak.
Ang pagsilang ng isang sanggol ay isa ngang masasabing pagpapala dahil ito ay nagbibigay ng kaganapan sa isang babae upang sya'y maging ina, ngunit kaakibat nito ay ang malaking responsibilidad sa pagpapalaki at pag gabay sa paglalakbay sa buhay ng batang isinilang. Ang pag- aaruga at paglaan ng pangangailangan ay kasama din sa dapat gampanan ng isang ina. Mahirap man isipin ngunit ito ang katotohanan at realidad. Ngunit ang lahat ng ito ay nagiging madali dahil sa walang kapantay na pagmamahal ng isang ina na di matatawaran. Pagmamahal na kung saan nakahanda itong kalimutan ang sarili at ibigay ang buhay para sa kanyang anak. Pagmamahal na kung saan handa s'yang magsakripisyo upang maitaguyod ang kanyang anak. Isa ngang dakila ang ina dahil nakahanda itong suungin ang ano mang panganib mailigtas lamang at mailuwal sa buhay ang kanyang anak. Dakila sapagkat siya ay nagmamahal ng walang kapalit at walang hangganan.
Ako ay pinapagla dahil ako ay nabiyayaan ng isang malusog na anak. Isang makahulugang karanasan at regalo na mula sa Diyos Ama. Isang sanggol na alam kong magbibigay ng kahulugan sa aking paglalakbay sa buhay. Hindi ko maipaliwanag ang saya at kagalakan sa aking puso sa isang tila milagro ng aking iluwal ang isang malusog na sanggol.
Mula sa aking pagkakaidlip...muli kong narinig ang iyak ng isang sanggol...nagising ako....at nakita ko sa aking tabi ang isang munting anghel... isang sanggol na lalake na malusog at pogi. Habang s'ya ay aking tinititigan napaisip ako at nasabi sa aking sarili..."ako nga ay isa ng ina." Napangiti ako dahil sa kagalakang aking naramdaman...sabay ang pag....Uha! Uha! Uha! ng anghel sa aking tabi.
Ang aking APAT na Anak
Meron na rin akong apo na napakagandang si Nichole. Di nga madali ang maging isang INA...napakarami mong dadaanang pagsubok at mga hamon, mga sakripisyo at pagtitiis, ngunit ang kapalit naman ng lahat ay ang LIGAYAng iyong mararamdaman tuwing makikita mo sila.
Tunay ngang dakila ang mga ina. Di mapapantayan at matatawaran ang kanilang kadakilaan dahil ang kanilang pagmamahal sa kanilang mga anak ay walang hanggan. Sa aking INA na nagbigay buhay sa akin, nais ko pong ipahayag ang aking pasasalamat. Salamat po sa inyong pag aruga at pagmamahal. Salamat sa lahat ng mabuting asal na inyong itinuro at sa lahat ng mga magagandang karanasan. Salamat sa inyong pag antabay sa aking buhay may asawa at sa pagmamahal ninyo sa akin at sa aking pamilya.
Sa lahat ng mga INA sa mundo, dasal ko po na tayo ay patuloy na pagpalain at bigyan ng maraming biyaya ng Poong Maykapal . Hangad ko sa bawa't ina ang magandang kalusugan, kapayapaan sa ating pamilya, pagmamahalan at kaligayahan sa ating mga puso. Maligayang Bati sa lahat ng mga INA!...HAPPY MOTHER'S DAY po sa ating lahat. God bless us All!
No comments:
Post a Comment