Pasasalamat ang nais kong ialay sa ating Poong Maykapal dahil sa maraming pagpapala at biyayang patuloy kong tinatanggap sa buhay. Natuto akong maging kontento kung ano man ang meron ako magmula ng ako ay mamulat sa kalagayan ng ating mga kapatid na nasadlak sa kawalan. Ang masaksihan ang hirap na kanilang dinadaanan upang sila ay makaraos sa pang araw-araw ay lubos na nagpahirap sa aking kalooban. Namulat ako sa maraming bagay na sa isip ko ay di ko man lang nabigyan ng pansin noon. Salamat sa pagkakataon at hindi pa huli ang lahat na ako ay matutong makontento sa kung ano mang meron ako bilang tao at bilang nilalang ng DIYOS.
Sa Relasyong Pangkaibigan...
Sadyang mahirap nga ang magkaroon ng tunay na kaibigan, ngunit ako ay mapalad dahil ako ay nabiyayaan. Mga kaibigang laging nandyan upang maging bahagi sa ano mang kalagayan ko sa buhay at mga handang makinig sa aking kaisipan tungkol sa mga bagay-bagay. Salamat ang nais kong iparating sa kanila... sa kanilang pang unawa sa kung ano mang kahinaan meron ako. Salamat sa pagtanggap sa aking pagkukulang bilang isang kaibigan. Humihingi ako ng paumanhin at kapatawaran sa mga di ko sinasadyang pananakit ng inyong mga kalooban. Salamat sa pagbibigay ng lakas sa tuwing nararamdaman ko ang aking kahinaan, salamat sa mga salitang nakakapagbigay inspirasyon at sa paniniwala sa aking mga kakayahan...at higit sa lahat salamat sa inyong TIWALA at RESPETO.
Sa Pananampalataya...
Ito ay isang malalim at mahiwaga na personal na karanasan. Isang relasyon na aking papahalagahan habang ako ay nabubuhay. Natuto akong magbigay dahil sa paniniwala at pananampalataya. Natuto akong magpatawad dahil alam kong magkakaroon ako ng galak sa aking puso at kapayapaan sa aking pag iisip...dahil ito ang nais ng Diyos. Salamat sa regalong karunungan... lalong lumalim ang aking pang unawa sa buhay at higit sa lahat ang aking PANANAMPALATAYA. Salamat sa mga pagkakataong aking naramdaman at naranasan kung ano nga ba at paano ang masaktan dahil nakita ko ang miserableng buhay ng ibang tao...dahil dito natuto akong MAGDASAL at UMASA para sa kanila. Salamat sa patuloy na pag gabay sa aking mga desisyun sa buhay, sa pag antabay sa araw araw, sa pag iingat Mo sa akin at sa aking pamilya at higit sa lahat sa PAGMAMAHAL na walang hanggan at WALANG KAPANTAY.
No comments:
Post a Comment