Friday, June 10, 2011

Pagtugon sa Isang Hamon...



Pasukan na naman sa Lunes. Eto ako at di na malaman ang gagawing paghahanda sa mga dapat kong harapin para sa darating na semester.

Hmmm...meron daw akong ituturong 6 units ng Japanese Language, dalawang subjects tuwing Martes at Huwebes maliban sa aking trabahong pang opisina. Tinanggap ko dahil dati ko na itong itinuro sa ibang institusyon. Sino nga ba ako para tumanggi? Hindi nga bat isa sa aking adbokasiya ang magbahagi ng aking kaalaman bilang isang guro dahil sa paniniwala ko na ang edukasyon ay isa sa solusyon sa kahirapan ng ating mga kapatid na nasasadlak sa ganitong kapalaran? Dapat nga sigurong bumalik na ako sa pagtuturo ulit upang makapagbahagi ako ng aking kakayahan, kaisipan at kaalaman sa wikang Englis.

Bahagi na ng aking natugunang responsibilidad sa aking opisina ang magsilbi sa mga mahihirap. Gumawa ng mga ibat-ibang programang makakatulong sa ikakabuti ng kanilang kalagayan. Magbigay ng kalinga at pagmamahal sa pamamagitan ng mga proyektong nakakatulong galing sa aming institusyon. Gawain ko na ang mga ito na naging bahagi na sa aking araw araw na buhay. Masarap at masaya ang maging daan upang makatulong ka sa kapwa. Walang pagsidlan ang galak na iyong madarama sa bawat salamat na maririnig mo sa mga taong naabutan mo ng konting tulong. Tunay ngang ang tumulong sa kapwa at gumawa ng isang bagay na makakapagbigay ng kasiyahan sa mga ito ay isang marangal na gawain.

Ngunit hindi lang ang mga ito ang tawag at hamon na nais kong bigyan ng tugon at pansin. Ako ngayon ay nasasadlak sa isang malaking hamon...isang hamon sa aking kakayahan bilang isang guro ng wikang Englis dahil sa aking hangaring maturuan ang mga mag-aaral na Aeta sa aming paaralan.
Dalawang taon ko na rin kasi silang nakikitang nagsusumikap na makapag-aral dahil sa kanilang pangarap na makatapos ng kurso sa kolehiyo. Ramdam ko ang hirap na kanilang dinaranas upang magampanan nila ang mga binibigay na mga gawain ng kanilang mga guro.




Minsan habang naka upo sila sa canteen at ako ay naghihintay sa aking kasamang guro, ako ay napasali sa kanilang umpukan. Tinanong ko kung nakapag enrol na sila at ang sabi nila ay "opo". Ako ay napangiti dahil alam kong sa taong ito, madadagdagan na naman ng dalawampung Aeta Scholars ng aming paaralan. Meron na kaming dating tatlumpu kaya ang kabuuang bilang nila ngayong semestre ay magiging limampu. Marami rami na nga sila kaya ako ay nabahala dahil alam kong hirap sila pagdating sa pagbasa at pananalita sa wikang Englis. Dito nag ugat ang aking kaisipang tulungan sila upang sila ay hindi mahuli sa kanilang mga kaklase.

Alam kong ako ay mahihirapan dahil ito ay makakadagdag sa aking mga gawain ngunit di nga ba't ang pagtulong naman ay dapat puede ka kahit saan at kahit sino. Napag isip isip ko lang na kung ako ay magkakaroon ng puso sa mahihirap, kailangang kasama ang mga katutubo dahil sila din ay higit na nangangailangan ng kalinga at pagmamahal at higit sa lahat dahil sila ay nangangailangan talaga ng tulong tungkol sa kaalaman sa ibat ibang bagay.

Ang aking gagawin ay hindi magiging madali. Ngunit alam kong ako ay magkakaroon ng kagalakan sa aking puso sa aking gagawin dahil ako ay magiging paraan upang sila ay magkaroon ng kaalaman. Di na bago sa akin ang makitungo sa kanila dahil ang kanilang mga ka tribo ay akin ng nakakasama tuwing pasko sa walong pasko ng nagdaan.

Siguro nga nakatakdang dapat gawin ko silang tulungan...siguro nga ako ay kailangan tumugon sa tawag ng pagbabahagi ng aking kaalaman at marahil ang pagtugon sa isang hamong kagaya nito at makakagawa ng konting pagbabago sa antas ng kanilang buhay bilang isang mag-aaral. Ako ay nakikiisa sa kanilang pangarap at ako ay nakahandang tumulong sa abot ng aking makakaya...Sa Lunes na nga ang unang araw ng pasukan...at alam kong sa mga susunod na mga araw ako ay sasagot na sa isang tugon at handang harapin ang hamon na magsilbi sa ating mga kapatid na Aetas.

Sana nga ako ay patuloy na mabiyayan ng lakas at kagalingan ng ating Diyos Ama upang ako ay makatulong sa kanila...sana nga ako ay maging instrumento upang madagdagan ang kanilang kaalaman. Hangad kong sana ay matupad ang kanilang mga pangarap sa buhay at higit sa lahat dasal ko ang kanilang tagumpay!

No comments: